Hindi na niniwala si Mary Jane Veloso, ang OFW na nasa death row sa Indonesia dahil sa droga, na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na payag ito na matuloy ang pagbitay sa kanya, pahayag ng ina na si Celia noong Martes.
Bagama't alam umano ni Mary Jane ang magkakasalungat na mga balita hinggil sa sinabi ng Pangulo tungkol sa kanyang kaso, maniniwala lamang umano siya kung galing mismo sa Pilipinas ang ulat, salaysay ni Celia sa sinabi ng anak.
Ayon kay Celia sa panayam ng QRT, nakausap niya si Mary Jane sa telepono at sinabi nitong alam niya ang mga bali-balitang nagbigay umano ang Pangulo ng "go-ahead signal" sa pamahalaan ng Indonesia para sa kanyang bitay.
Nahatulan ng bitay sa Indonesia si Mary Jane (na may dalawang anak na naiwan sa Pilipinas), matapos mahulihan ng aabot sa 2.6 kilo ng heroin noong 2010.
Ipinagpaliban ang kanayang nakatakdang "execution" sa pamamagitan ng firing squad noong 2015 upang mabigyan ng pagkakataong tumestigo laban sa kangyang mga recruiter sa Pilipinas, na umano'y naglagay ng droga sa kanyang maleta na hindi niya alam.
Itinanggi naman ng Malacañang na sinabi ni Pangulong Duterte kay Indonesian President Joko Widodo na okey lang na ituloy na ang pagbitay kay Mary Jane.
Sa halip, sinabi ng Palasyo na sinabi ng Pangulo kay Widodo na I will not interfere in the case.
Samantala, naghihintay pa rin umano si Celia ng pagkakataong makausap ang Pangulo tungkol sa kalagayan ng kanyang anak.
Kabilang sa Celia sa mga taga-suporta ni Mary Jane na nagsagawa ng candle-lighting ceremony noong Martes ng hapon.
Nagmamakaawa kami sa ating Pangulo. Alam kong galit na galit siya sa droga, kaya lang si Mary Jane po biktima rin po ng droga. Nangangailangan po si Mary Jane ng tulong dahil biktima lang po si Mary Jane, kaya sana tulungan niya at 'wag niyang pabayaan [si Mary Jane]," pahayag ni Celia
source:gmanews
Post a Comment