Nais ni Senador Franklin Drilon na paharapin pa sa pagdinig ng Senado si Edgar Matobato, ang nagpakilalang dating miyembro ng umano'y Davao Death Squad, para malaman kung totoo o hindi ang mga sinabi nito tungkol sa umano'y nangyaring mga patayan noon sa Davao City.
Sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, sinabi ni Drilon na bagaman may mga pahayag si Matobato na hindi magkakatugma, hindi naman umano dapat na balewalain ang mga ito lalo pa't mabigat ang kaniyang mga alegasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
We cannot say, at this point, na nagsisinungaling yung testigo, but neither can we accept that his testimony is the whole truth. Dapat ipagpatuloy ang pagtatanong hangga’t mailabas natin ang katotohanan," anang senador.
Sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, ikinuwento ni Matobato kung papaano nabuo ang sinasabing "DDS," at maging ang mga iniutos na pagpatay umano ni Duterte sa ilang tao noong siya pa ang alkalde ng lungsod.
Dati nang itinanggi ni Duterte na mayroong "DDS" na iniuugnay sa ilang insidente ng extrajudicial killings sa Davao City.
Sinasabing may "pattern" nang nangyaring patayan sa Davao City sa nangyayari ngayon sa bansa mula nang ilunsad ni Duterte ang kampanya laban sa droga nang manungkulan pangulo ng bansa.
Sa naturang paghanap ni Matobato sa Senado, sinubok ng ilang senador ang kredibilidad niya bunga ng ilang impormasyon na hindi magkakatugma.
Ayon kay Drilon, malalaman lamang ang lahat kung magpapatuloy ang pagdinig at testimonya ni Matobato.
"Dapat sa ngayon ay mag-ingat tayo sa pag-examine. We should not jump into any conclusion," paalala ng senador.
Kasabay nito, sinabi ni Drilon na hindi obligado si Sen. Leila De Lima na ipaalam sa ibang senador ang mga ihaharap sa pagdinig dahil hindi naman kasong kriminal ang kanilang tinatalakay.
Matatandaan na nagreklamo si Sen Alan Peter Cayetano na hindi siya binigyan ng listahan ng mga testigo bago gawin ang pagdinig.
"Hindi po kami inabisuhan, ngunit wala naman requirement na abisuhan ang lahat bago magprisinta ng testigo," paliwanag ni Drilon.
"Ito po ay investigation in aid of legislation at resource person po itong testigo. Hindi po siya testigo sa isang criminal case," dagdag niya
source:gmanews
Post a Comment