Sa panayam ng DZMM Lunes, sinabi ni QCPD chief, Senior Superintendent Guillermo Eleazar na natimbog ang biktimang si Ma. Aurora Moynihan at pitong iba pa sa isang buy-bust operation sa Taguig noong Pebrero 28, 2013.
Pansamantalang nakalaya si Moynihan matapos maghain ng piyansa. Nakasalang sa isang korte sa Taguig ang kaso niyang kaugnay sa pagbebenta ng droga.
Linggo ng madaling-araw natagpuan ang bangkay ni Moynihan sa Corinthian Hills Subdivision sa Quezon City. Katabi niya ang isang karatulang may mensaheng, Pusher ng mga celebrities, kasunod na kayo.
Ayon sa ilang saksi, nakita nila ang isang sports utility vehicle na tumigil sa crime scene. Matapos ang ilang minuto, narinig umano nila ang magkakasunod ng putok ng baril at nakita ang pagharurot palayo ng sasakyang hindi nila naplakahan.
Narekober sa biktima ang ilang pakete ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia, at kanyang cellphone.
Ilang text message na maaaring makapagpatunay sa umano'y iligal na gawain ni Moynihan ang natuklasan sa kanyang cellphone, sabi ni Eleazar.
"Nababanggit po roon yung mga kinakaharap niyang kaso then makikita po 'yung talagang involvement niya sa iligal na gawain," ani ng opisyal.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.
source:abscbnnews
Post a Comment