Isinuko ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes ng umaga ang nagpakilalang isa sa mga hitman ng umano'y Davao Death Squad (DDS) sa national headquarters ng pulis sa Camp Crame.
Inilagay ng senador sa kustodiya ng mga pulis si Edgar Matobato ilang oras matapos itong ilabas mula sa Senate Building sa Pasay City.
Tumestigo si Matobato sa pagdinig ng Senate justice committee—sa pamumuno ni Senator Leila de Lima—sa extrajudicial killings ng umano'y DDS, sa ilalim ng pahintulot ni Pangulong Duterte noong alkalde pa lamang ito ng Davao City.
Unang dinala ni Trillanes si Matobato sa tanggapan ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa, ngunit wala doon ang hepe dahil umano sa isang prior commitment.
Matapos ito, dinala ng senador si Matobato sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group para sa police booking procedure.
Sinabi ni Trillanes na hinihintay pa nila ang abugado ni Matobato, na inaasahang magbigay ng ilang legal options para sa kanyang kliyente.
Naghain ng arrest warrant ang isang korte sa Davao laban kay Matobato matapos itong mabigong dumalo sa itinakdang arraignment noong Martes sa kasong illegal possession of firearms na isinampa laban sa kanya noong 2014.
'Bahala na ang Diyos'
Bago siya i-turn over sa PNP, sinabi ni Matobato na bahala na ang Diyos sa kanyang kapalaran.
“Ako, handa na ako. ‘Yung buhay ko, binigay ko na sa Diyos. At kung ano ang mangyari sa akin, wala na akong magagawa,” pahayag ni Matobato sa isang panayam.
“Basta itama ko lang ‘yung pagkakamali ko,” dagdag niya.
Idinawit ni Matobato si Pangulong Duterte sa umano'y extrajudicial killings sa Davao City sa pamamagitan ng DDS noong alkalde pa lamang ito.
Senate appearance, igigiit ni Trillanes
Samanlata, sinabi ni Trillanes na igigiit niyang tetestigo pa rin si Matobato sa pagdinig sa usapin ng extrajudicial killings" ng Senate justice committee na ngayo'y pinamumunuan ni Senator Richard Gordon matapos tanggalin si De Lima bilang pinuno ng naturang komite.
Nagpasya si Gordon na itutuloy ang Senate inquiry tungkol sa extrajudicial killings na hindi na kailangan ang testimonya ni Matobato.
Giit ni Trillanes, hindi pa pinal ("not yet final") ang desisyon ni Gordon na hindi na ipatatawag si Matobato sa pagdinig ng Senado.
“I will do whatever I can,” pahayag ni Trillanes nang tanungin kung paano niya makukumbinse si Gordon.
Sinabi rin ni Trillanes na temperaryo lamang ang paglagay kay Matobato sa kustodiya ng PNP.
Nilinaw niyang sa ilalim pa rin ng kanyang proteksyon si Matobato pagkatapos nitong mapaglagak ng piyansa.
“Temporary lang ito. Remember bailable 'yung kaso niya. Dadaanan lang ‘yung kailangan na daanan, 'yung pag-post ng bail, pag-arraign sa kanya, then kukuhanin ko ulit siya, 'yung custody niya,” pahayag ni Trillanes.
source:gmanews
Post a Comment